Saturday, May 30, 2015

Ang huling tula na isusulat ko para sayo...

Another poem by Juan Miguel Severo.

"Ito na ang huling tula na isusulat ko para sayo.
Pangako yan at totoo.
Hindi ko alam kung magiging gaano kahaba o kung kasya ba sa isang piyesa,
ilang pahina, ilang minuto ang ihahaba, itatagal nito,
at posibleng hindi ko agad makabisado pero pangako yan,
ito na ang huling tula na isusulat ko para sayo.


Itaga mo to sa bato,
abutin man ako ng umaga dito hindi ko ipipikit ang mga matang ito..
uubusin ko ang lahat ng salita na posibleng tugma ng pangalan mo o anumang tawag ko sayo,
mahal, sinta, irog, pangga, babe, bbq, bae, beb, asawa ko, mhine, kulet, kapal, kupal, hayop, p**a, p***ng ina ka ano pa ba..
wala akong pakialam kung abutin man ako ng ilang talata dito,
pero hindi ko na pwedeng patirahin lang dito sa loob ko ang mga salitang ito kaya pangako,
ito na ang huling tula na isusulat ko para sayo.

Magsisimula ako sa umpisa,
sa kung paanong nginitian mo ako at tinanong kung san ako nakatira.
hindi mo nga pinansin ang mga agiw sa dingding,
hindi ka nga natinag sa ipis na biglang dumating sa iyong pagbisita..
pero hindi mo rin man lang din tinignan ang mga libro na nasa tabi ng kama kong natutulog din, at tangi ko noong kapiling. 

Magsisimula ako sa umpisa,
sa kung paanong niyakap mo ako nung sabihin ko sayong "mahal kita.."
sa kung paanong hinalikan mo ako sa noo sabay sabi na "mahalaga ka.."
at ako naman tong si tanga, tuwang tuwa na hindi pa nalinaw nga na ayaw ko na maging mahalaga,
ayaw ko na maging mahalaga..

Hindi ako antigong salamin na matagal mo nang pag aari
na tinitignan mo lang para ipaalala sa sarili mo na maganda ka, ayaw ko na maging mahalaga..
hindi ako telepono mong dudukutin lang sa bulsa kapag kelangan mo ng solusyon sa kawalan mo ng koneksyon sa mundo mong masyado ng malawak para bigyang atensyon ka pa, ayaw ko na maging mahalaga..
hindi ako kuwintas na isusuot mo lang sa piling-piling mga okasyon
kapag meroong mga sitwasyon na pakiramdam mo ay kulang ka pa..
Hindi ako para ibalik sa loob ng isang kahon kapag matutulog ka na sa gabi sa takot na masakal ka sa yakap ko kapag mahimbing ka na, 
o ibalik sa loob ng isang kahon at itabi sa sulok ng isang aparador
sa takot na manakaw ako ng iba, ayaw ko na maging mahalaga..

Ang gusto ko ay mahalin,
ang kelangan ko ay mahalin..
kelangan ko na mahalin mo ako gaya ng kape mo sa umaga
tanggap ang tamis at pait, kelangan para sa init pero hindi isinasantabi dahil lang nanlamig na..
kelangan ko na mahalin mo ako gaya ng sarili mong opisina,
kabisado kung para saan ang ano, kabisado kung saan nakatago ang alin,
kabisado ang mga tinatago kong patalim, silbi, dumi, lihim..
patalim, silbi, dumi lihim...
kelangan ko na mahalin mo ako gaya ng unan mo sa gabi, niyayakap sa ginaw,
sinasandalan kahit na mainit, binubulungan ng mga pinakatatago mong panaginip,
ayaw ko na maging mahalaga, ang gusto ko ay mahalin,
ang kelangan ko ay mahalin..

at nagsulat ako noon para lang mahalin mo ako,
kaya patawad pero magsusulat ako hanggang sa maubos ko ang lahat ng salita na posibleng tugma ng pangalan mo..
patawad pero magsusulat ako para patawarin mo ako..
dahil minsan, may nakapagsabi saken na ang taong hindi raw marunong magpatawad ay hindi makapagsusulat,
kaya mahal sa pagkakataong ito
sa huling pagkakataon na magsusulat ako ng tula para sayo
gumawa tayo ng kasunduan, patatawarin kita pero patatawarin mo rin ako...


Patawarin mo ako sa hindi ko pagtahan at patatawarin kita sa hindi mo pagluha
Patawarin mo ako sa hindi ko pananahimik at patatawarin kita sa hindi mo pagsasalita
Patawarin mo ako sa hindi ko pag alis at patatawarin kita sa hindi mo pananatili
Patawarin mo ako sa hindi ko sayo paglimot at patatawarin kita sa hindi mo saken pagpili mahal
gumawa tayo ng kasunduan patatawarin kita pero patatawarin mo rin ako.

Patawarin mo ako sa hindi ko pagbitiw at patatawarin kita sa hindi mo pagkapit
Patawarin mo ako sa hindi ko paglayo at patatawarin kita sa hindi mo paglapit
Patawarin mo ako sa hindi ko pagsuko at patatawarin kita sa hindi mo pagsugal
Patawarin mo ako sa hindi ko pagkamuhi sayo at patatawarin kita sa hindi mo saken pagmamahal, mahal
gumawa tayo ng kasunduan patatawarin kita pero patatawarin mo rin ako
para sa wakas ay matapos ko na itong tula na masyado ng matagal na nakatira dito,
at patawad kung magiging masyadong mahaba at marami masyadong bulanas pero pangako,
huli na to, huli na to, huli na to...

Magsisimula ako uli sa umpisa, sa kung paanong nginitian mo ako at tinanong kung san ako nakatira.
Magsisimula ako uli sa umpisa, sa kung paanong nginitian mo ako 
Magsisimula ako uli sa umpisa, 
Magsisimula ako uli...
Magsisimula ako....

Ito na ang huling tula na isusulat ko para sayo, mali...
Ito na ang huling tula na isinulat ko tungkol sayo

Iniibig kita, at ubos na ubos na ako...."

Mga Basang Unan

A poem by Juan Miguel Severo

Noong iwan mo ako ng walang pasabi, 
o pangako ng pagbabalik, umiyak ako buong gabi. 
Umiyak ako nang sobrang tindi; kinailangan kong ibilad sa araw ang unan ko kinabukasan. 
Ang sarap pala sa pakiramdam ng patulugin ka ng sarili mong pag-iyak. Naisip ko, hindi pinakuluang dahon ng bayabas, o alak, ang sagot sa ganitong klaseng sakit. 
Luha ang pinakamabisang pang-langgas sa sugat ng puso.

Kaya… inaraw-araw ko ito.
Sinisimulan at tinatapos ko ang mga araw na binabalikan ang mga sugat na iniwan mo. 
Iniisa-isa ko ang mga alaala’t hinahanap kung saan sila bumaon dito sa puso ko. Nakakatawa.  
Ang akala ko noon, kung dumating man ang araw na ‘to, puro mga alaala ng away at hindi natin pagkakasunduan ang iintindihin ko, kasi ‘yun, mahirap gamutin; na sila, kahit ilang balde na ng luha ang aking pigain mula sa mga mata ko, magdurugo pa rin.
Pero mas nagdurugo ako para sa mga tawa mo. Mas nagdurugo ako sa mga patawa mo. Mas nagdurugo ako sa mga yakap mo, sa kung paanong ang balat ko ay parang nalalapnos kapag dahan-dahan mo akong hinahaplos at ang hininga ko ay nahahapo at kinakapos kapag niyayapos kita.
Nagdurugo ako noong umalis ka, pero mas nagdurugo ako sa unang gabi na pinili mong manatili. Nagdurugo ako noong gabing sabihin mo na ayaw mo na, pero mas nagdurugo ako noong gabing tanungin mo ako kung pwede pa ba? Nagdurugo ako noong gabing tinalikuran mo ako, pero mas nagdurugo ako na noong pagtalikod ko, nandun ka pa.
At nagdurugo ako. At nagdurugo ako. At nadudurog at nadudurog at nagdurugo pa rin ako sa alaala na ikaw pa ang mas naunang nagsabi ng, “Mahal kita.”
Mahal kita. Kung titignan nang maigi ang mga salitang isinulat ng mga sugat na iniwan mo, ‘yang dalawang ‘yan ang mababasa ko: Mahal kita. At sa inaraw-araw ng pagbibilad kong gan’to, nagmamanhid na sila. Mahal kita. At sa dinami-rami ng luha na pinang-langgas ko rito, naglalamig na sila. Mahal kita. At sa hinaba-haba ng panahon na ginugol ko sa gamutan, nagmamanhid na sila. Mahal kita. At sa tinagal-tagal nitong kumikirot sa dibdib ko, medyo nakakasanay na. Mahal kita. At sa tinatagal-tagal ng panahon na ginugol ko sa gamutan, magsasara na sila. Magsasara, at magiging mga pilat na paulit-ulit kong mababasa at ang parati lang sasabihin ay mahal kita.
Mahal, kung magkita man tayong muli at tanungin mo kong muli kung pwede pa ba, ang hihilingin ko lang sa’yo ay mga bagong unan. Dahil ang lahat ng sa akin ay akala mo’y naulanan. Dahil lahat sila ay akin nang naiyakan at nag-iwan ng mga kwento natin. Ayaw ko nang matulog sa mga unang basa at malunod sa pagtulog sa alaala na mahal kita, mahal pala kita, na mahal pa rin pala kita. At sa wakas, hindi na kasing sakit ng dati.
Pero mahal, masakit pa.